Ibang Paysahe, Ibang Tanawin, Parehong Lumbay

Ang paglalakad ng mag-isa galing sa tinitirhan patungo sa pamilihan ng mga mahal na bagay, at pagkatapos ay dala-dala ang ecobag  ng mga biskwit, sabon, at napkin ay walang pinagbago sa mga panahong naglalakad akong mag-isa ng pataas at pababa sa dalisdis sa paanan ng bundok ng Isarog. Ang kalungkutan na bakit wala akong kasabay na kasintahan ay laging bumubulong sa aking isipan. Ngayon, na mas malabo na ang aking paningin, mas nagiging mahusay ang pagpapanggap kong wala akong pakialam sa paligid. Siguro nga mas mainam na hindi klaro ang mga nakikita kong magkasamang naglalakad na may nasa tabi, na may tumutulong magbuhat ng mga pinamili. Di na lamang tulad ng pansarili kong hiling na may umalalay man lang sa akin. Alam kong kailangan patunayan ng kababaihan, pero sandali, bakit nga ba pilit kong pinapatunayan na hindi ko kailangan ng tulong magbuhat ng mga bagay pero sa loob-loob ko naman ay gusto ko talagang may tumulong sa akin? Niloloko ko lang ang sarili ko tuwing iniisip kong kaya ko naman ang bigat na dala ko pero sa katotohanan ay nais kong may makakita ng aking paghihirap at tanggalin ang pawi ng pagod na dinadanas ko. Saulado ko nga ang mga daan na nagpapaalala sa akin na mag-isa pa rin ako, na ni hindi ko man lang naranasan na ihatid o sundo sa sarili kong bahay kasama ang aking pamilya. Baka sa mga susunod na taon maranasan ko, pero hindi ko pa rin maalis sa isipan na magbebente anyos na ako pero wala pa rin akong karanasan sa ganitong bagay. Acts of service, at mga pasigaw, pabulong, at padasal na hinihinging may dumating ng minamahal sa buhay ko, kailan o kailan ko ito makakamtam?

Comments

Popular Posts