Wika ng Pagmamahal


Walang hiyang pag-ibig nga naman. Hamon ko sa sarili na simula ngayon ay panatilihing nangingibabaw ang Filipino sa larang ng aking kaisipan lalo na sa paggawa at pagsulat ng mga hinaing ko sa buhay o sa pagmamahal. Hangga't makakaya, nais kong magmahal gamit ang purong Filipino at kapag panahon na para ibigkas ang mga pangako sa kasal, ito ang magiging bulaklak at paruparo na lalabas sa aking bibig at mapupulang labi. 

Tatlong taon na rin ang nakalipas mula noong una kitang nakilala. Dahil sa nanakaw ang ating mga litrato, nakasaad na lamang sa malabo kong alaala ang ating istorya. Tanda ko pa nung paglapag ng aming eroplano, sabay kong pagkakita sa bituing walang tigil sa pagningning, na para bang ang lingas ay para lamang sa gabing iyon. Hiniling ko na maranasang umibig sa panandalian kong panahon sa lupa ng mga Hapon. Tumutugtog pa noon at sumisigaw sa aking mga tainga ang kantang, 'Accidentally in Love'. Tunay nga naman na ako ay nagmahal, lalo na sa mga kaibigang aking nakasama, umibig ako sa kanilang mga kwento lalo na tungkol sa sarili, pamilya, at mga jowa. Nakatutuwa na nabuo ang aming pagkakaisa sa mga malulungkot na katotohanan ng buhay. Di ko inakala na darating ka sa balangkas, sa kuwadro ng aking paningin. Tanda ko, parte ng ating pakikihalubilo sa mga nasa ikatlong baitang, nakita kita sa may bintana na naka-ekis ang mga braso, tila mahiyaing presensiya. Nagpakilala ka bilang CJ at di ko na maalala ang mga sumunod pa. Napakagaling mo palang tao at di ko inakalang ang dami mong ibubuga nung oras na ng pagtatanghal. Naalala kong tinitignan mo ko, mata sa mata, para sa tulong kung sang-ayon ba ko sa desisyon ng grupo at nung mga panahong yun, ramdam kong kitang-kita mo ang pagkatao ko. Binigyan kita ng token, tanda at katibayan ng utang na loob ko sa todo-todo mong pagtatrabaho para sa presentasyon na iyon. Naaalala kong nagulat ka, parang di makapaniwala sa mga nangyayari, ngunit umalis na ako na hindi pinakinggan ang iyong tugon. 

Dati, pareho lang tayong labing-anim, ay hindi pala, labinglima ka pa lamang at sa Disyembre pa magiging labing-anim. Ayaw ko ng mas bata sa akin, kaya siguro kapag nasa bente na tayo tsaka kita uli kukulitin. Poteks tinignan ko na naman ang sulat mo pabalik at kinilig na naman ang buong kaluluwa ko. Siguro, kung mahal pa rin kita kapag bente dos na ako, muli kitang kukumustahin at titignan kung may pag-asa bang umuswag at umusbong ang mga nararamdaman kong ito. Hanggang sa muli, kaibigan kong minamahal.


Comments

Popular Posts