Ikaw pa rin

Sa sandaling nahalata kong ilang minuto ka pa lang tumugon, at sa kung saan mang parte ng mundo ay gising ka at pa aktibo, dagdag pa ang mga simulang nota ng piyano ng Way Back Into Love, sa'yo ko lamang nararamdaman ang pagmamahal na ito. Oh, aking inaasam na kasintahan. Tatlong kapanahunan ng tag-araw na kitang minamahal ngunit papalayo ka pa rin ng papalayo sa akin. Dapat ko na bang bitawan ang pangarap kong mag-aral ng malapit sa'yo? Mukhang ang dami ko na namang nabuksang katotohanan ng pagkatao mo at ito pa rin ang nais kong iparamdam sa'yo. Tulad na lamang ng mga litratong kinuha mo na naglalaman ng mga batok ng di mo kakilala, kaya naman pinagbabalakan kong palitan ang aking sariling litrato ng isang nagniningas na larawan, isang larawan ng aking batok na sana'y iyong mapansin. Ngunit ang pinanghahawakan kong Single mong status ay nawala na sa iyong binagong impormasyon at sabay tingin ko rin na nasa Estados Unidos ka na nag-aaral at magtatapos sa taong 2023, pilit ko mang sabihin sa sarili ko na itinadhana tayo, mukhang iba ang ihip ng hangin sa ating mga landas. Sa hinaharap kaya ay makikita ko ang mga sinulat kong ito at matatawa na lamang sa aking sariling hindi maka-move on sa ating memorya? Bakit nga ba kita kinausap noon? Dahil sa awa? Paano at kailan nagbago ang paningin ko sa'yo? Namangha ako sa angkin mong galing pero bakit adik pa rin ako sa nararamdaman ko sa'yo? Ah, ganun pala. Hindi ikaw ang gusto ko, kung hindi ang nararamdaman ko tuwing bumabalik sa'yo o napapadaan ang mga kaisipan ko sa'yo. Ni hindi na man kita nakilala bilang tao. Prinoject ko lang ang mga mithiin ko sa'yo dahil hindi naman kita nakikita araw-araw at puro pagpapalagay o pagkukunwari lang ang lahat. Ang pagkatao mo sa aking isipan ay isang panlilinlang ko sa sarili tuwing nararamdaman kong ako'y nag-iisa. Ang nararamdaman ko para sa'yo ay kathang-isip lamang, isang mahika na binuo ng aking pag-aasam na makapiling ang isang taong tulad mo o higit pa balang araw. Kaya naman simula ngayon ay pinakakawalan na kita, lipad paruparo, lipad.

Comments

Popular Posts