Tinatagong Boses
Ang gulong ng buhay na kung saan minsan ay nasa itaas ka, minsan ay nasa ilalim. Napagtanto ko na kapag nasa mataas kang yugto ng tanghalan, nais ng lahat makinig sa mga salitang iyong binibigkas. Ngayon na wala na silang maipagmamalaki sa'yo, hindi ka na pinakipakinggan, yung tipong kailangan mo pang lakasan ang iyong boses para mangibabaw ang kuwentong iyong gustong itawid sa kanilang mga isipan. Pansin mo ang mga blankong tingin, at parang walang kagustuhang makinig, ni ayaw rin kumustahin kung anong pangyayari sa'yong buhay dahil alam nilang wala namang kaganapan sa iyo, hindi na interesado dahil sino ka naman nga ba? Ngayon na hanggang dos lang ang inaabot mo sa mga asignaturang magdedesisyon kung sapat ang katalinuhan mong makatungtong ng mga mga paaralan na pinapangarap mo, madalas ay nagkukulang ka dahil madali kang akitin ng katamaran at Netflix na siyang nagdudulot ng pagkasira ng iyong buhay pagdating ng hatinggabi. Minsan ay susulyap sa direksyon mo para magpakitang-tao lamang. Kapag nagkukuwentuhan, ang tanging pinanghahawakan mo ay ang masalimuot na memorya ng panggagago ng isang lalaki sa'yo. Ang kalat mo talaga. Kaya nandun ka at tumatango, na parang handang makinig sa lahat ng mga maiinit na kaganapan sa buhay nila. Ang mga komento mo nakatutok sa buhay ng iba, na parang ang pagbabahagi ng mga bagay na iyon ay mabibigyan ka ng halaga kahit panandalian lamang, dahil ramdam mo ay may naiambag ka kahit papaano, ngunit hindi naman ito ang katotohanan. Nagpapakitang-tao ka lamang. Nararamdaman mong lumulutang ka at wala ka sa panahong iyon dahil walang laman sa loob-loob mo.
Bakit parang walang kasiyahan kang tunay na mapanghahawakan kahit nasa itaas o ilalim ka man ng gulong? Kapag nasa itaas, parang kulang pa rin at hindi sapat ang lahat ng parangal at mga ginawa mo at kapag nasa ibaba, parang isa ka lamang sa mga ordinaryong bilyong tao na aninag lang, na parang simoy lang ng hangin, nandiyan pero hindi pinapansin. Ito pala ang pakiramdam na nagbeblend in ka lang, na ang mga dati mong pinanghahawakan na kaya ka napapansin, ay biglang naglaho, kaya ito pala ang pakiramdam na nakatuon at nakabase sa mababaw na reputasyon ang buong pagkatao mo, ni walang ibang panghuhugutan na label na ikaw ay ganito o ganyan. Kapag kilala kang isang magaling, at hindi mo yun naipagpatuloy, nahahalata ng marami lalo na ng mga nais ikumpara ang sarili sa iyo at natutuwa sa pagbagsak mo bilang isang nilalang. Lagpak na ang mga dati mong akalang kakayahan pero sa totoo lang, dahil ang tingin nila sa kurso mo ay isang madaling asignatura kaya maraming ekspektasyon na mataas ang iyong maaabot pero hindi mo maipaliwanag na mahirap, mahirap ang kursong napili mo. At ang galing o kakayahan mo ay hindi sapat, kung dito pa lang ay lagpak ka na, paano pa kaya sa mga pinapangarap mong matatayog na institusyon, ang mga nais mong lugar na pag-aralan? Napakagulo ng iyong mga gamit, walang kaayusan para man lang makapagisip ka nang maayos o makahantong sa sarili mong kama na walang harang. Bakit ako humantong sa ganitong kalagayan? Ano na nga ba ang kalalabasan ng aking buhay?
Comments
Post a Comment